Supektibol. Sa totoo lang, ito lamang ang una kong naisip na i-title sa blogsite na 'to. Bakit 'kamo? wala lang.
Kung inyong matatandaan, and salitang supektibol ay isang bastos na joke, kadalasan ay nasasabi sa mga kabataan. O baka hindi na sa mga kabataan ngayon, baka noong kabataan ko lang. O baka naman dahil bastos lang din ako nung bata pa ako...hindi ko alam.
Anu't ano man, ikaw na lamang ang mag isip o magtanong, o maghukay sa iyong alaala kung na-encounter n'yo na ba ang word na ito.
PINOY.
Marahil yan lamang ang nag-iisang salita na nasa isip ko kung bakit may blog na ganito. Ilang taon na ay kating-kati na ako magsulat at magpahayag ng aking saloobin sa pagkakakilala ko sa mga taongbayan na nakatira at nabubuhay sa bansang ito na Pilipinas. Ako ay isang seryosong at taus-pusong tumataguyod ng Nasyonalismo at self proclaimed na makabayan. Ang gusto ko lamang maparating dito ay mapakilala at harapin ang katotohanan ng pagiging isang Pinoy, hindi ng pagiging isang Pilipino.
Iba ang Pilipino sa Pinoy. Ang Pilipino ay ang nilalang at imahe na ginawa ng bansa o ng estado, para sa mundo at mga libro. O marahil, nilikha para magkaroon tayo ng inspirasyon nang kung sino ang gusto natin maging. Sa makatuwid, ang pagiging Pilipino ay isang pananaw.
Ang Pilipino ay maka-Diyos, maka-tao, at maka-bansa. Ang Pilipino ay hospitable at mapagkumbaba. Ang Pilipino ay makata, mapag-silbi, konserbatibo...magalang.
Ang Pinoy ay bastos. Ang Pinoy ay tamad. Ngunit ang Pinoy din ay sadyang mabait...masipag...matiyaga.
Ang Pilipino ay lumikha at nagbabasa ng Noli Me Tangere, El Filibusterismo, o Florante't Laura.
Ang Pinoy ay lumikha, nagbabasa, o nagpapasikat ng Xerex, FHM, mga Teleserye, at mga Sex Scandals sa cellphones.
(Na ge-gets mo ba ang sinasabi ko?)
Ang Pinoy ay hindi masamang tao, at hindi pangit ang ugali by nature. Ang Pinoy ay isa lamang totoong tao. At sa pagiging totoong tao, ka akibat dito ang masama, mabuti, pangit, maganda, maputi, maitim na budhi ng isang nilalang at pag uugali. Kalimutan na muna ang pagiging Pilipino, ang nais ko ay ipahayag ang pagiging Pinoy, ang totoong Pinoy.
Ako, isa akong umaadhika sa pag uugaling tradisyonal, mga kaugaliang kinagisnan, pagmamahal sa kultura ng Pilipinas...at sa ilang taon na na nakakalipas na pag-aaral, pananaliksik, pag mamatyag, at paghahanap ng tunay na mukha o identity ng isang Pilipino (bukod sa mga nasasaad sa mga libro o history books), at sa dinami-rami ng naiisip kong paraan para mailahad ito o mai-express, eto na lamang muna ang pinaka mabisa kong naisip na paraan. Ang blog na ito, alinsunod sa modernong panahon.
Kaya nandito ka ngayon at binabasa ang Supektibol sa web address na pinangalanang pinoypau, ay dahil ipapakita ko sa sarili kong opinion ang pagiging isang
Tunay na Pinoy.
Inset Photo By Randy Paulino
No comments:
Post a Comment